Schedule

Nov. 28, 2024 | 2:30–4:00 PM

Room

Rm 1, North Ballroom

Chair

Aliguyon–University of the Philippines Folklorists, Inc.

Moderator

Mary Jane B. Rodriguez-Tatel
University of the Philippines Diliman

Panel Abstract

Malaon nang prinoblematisa ng mga Pilipinong intelektuwal ng siglo 19 ang konlonyal na diskursong naghati sa populasyon ng Pilipinas sa dalawang kategorya: “no-cristianos”/“tribus salvajes”/ “wild tribes” versus  “cristianos”/“tribus civilizadas”/“civilized tribes.” Kakatwa sapagkat kahit isinilang na ang Republika noong 1899, lahat tayo ay “tribus” o “tribes” pa rin  sa pananaw ng sumunod na bugso ng kolonyalista. Upang pangatwiranan ang kolonyalismong Amerikano, pinaggiitan nila ang diskurso ng “tribalism” sa harap ng bagong silang na “La Republica Filipina.” Lubhang kritikal ang panahong ito  ng interkolonyal na transisyon. Habang tinatawid ng Pilipinas ang sala-salabat na usaping kakabit ng  pagsasabansa sa pagitan ng dalawang kolonyalismo (Espanyol at Amerikano), pinagpunyagian din ng mga kauna-unahang folklorista sa Pilipinas, i.e., Isabelo de los Reyes at Jose Rizal na mailugar ang mga ibinukod na bahagi: ang “wild tribes” sa pinoproyektong “Kapilipinuhan.” Mababanaag ito sa bansag na “Brother of the Wild” kay Don Belong na kinilalang “Father of Philippine Folklore.” Gayundin sa bahagi ni Rizal,  nang ilangkap niya sa saklaw ng binubuong “Philippine Studies” sa Association Internationale des Philippinistes (1889) ang karagdagang seksiyong “razas y regiones independientes”—ang mga “tribus infieles o “no cristianos.” Samakatwid, mauugat sa kanila  ang pagtatakda ng mahalagang puwang ng folklore at ng mga folklorista upang buwagin ang sinementong dikotomiyang “pagano vs. Kristiyano” na ngayon ay naisalin sa opisyal na nomenklaturang “Indigenous Peoples” (IPs) vs.  “non-IPs”/ “mayoryang Pilipino.” Kakabit ng mga katawagan ay ang asersiyon ng identidad. Kakabit ng identidad ay ang produksiyon ng kaalamang sinasandigan, nagpapatibay, at nagpapanday sa mga asersiyon ng pagkakakilanlan. “Kaalamang bayan o dunong bayan” ang salin ng folklore sa Filipino na tumutukoy sa lahat ng kaalamang nakaugat at nilinang ng isang pamayanan o bayan—isang grupong etnolingguwistiko. Nabuo naman  ang terminong “Indigenous Knowledge Systems and Practices” na isinasalin bilang  “Dunong Katutubo” sa konteksto ng paggigiit ng mga Katutubong Pilipino (IPs) para sa sariling pagpapasya (self-determination).  

Nais itampok ng panel na ito ang mabunying punyagi at pamana nina Don Belong at Rizal sa pagsulong ng Araling Pilipino tungo sa pagbubuo ng kabansaan sa pamamagitan ng “folklore.” Atas din itong pumapatnubay sa Aliguyon-University of the Philippines Folklorists, Inc. (A-UPFI) upang diskursuhin ang folklore bilang isang disiplina, praktika, at adbokasiya sa Pilipinas. Nakahabi rito ang pagdadalumat sa folklore sa kapookang Pilipino bilang “kaalamang bayan/dunong bayan”/”tradisyonal/etniko/lokal na kaalaman” sa konteksto ng mga “non-IPs” at “dunong katutubo” (Indigenous Knowledge Systems and Practices” o IKSP) sa konteksto ng mga “IPs.” Pinaghiwalay man ng mga opisyal/politikal at legal na katawagan sa agos ng kasaysayan, nais naming ipakita sa pagdadalumat na ito ang mga salimbayan at salubungan ng mga “Dunong Katutubo” at “Dunong Bayan.” Mahalagang itakda ang mga hangganan  upang kilalanin ang mga pagkakaiba-iba bilang respeto sa kakanyahan ng bawa’t lugar at kalinangan. Mahalaga ring tukuyin ang mga tagpuan o pinagsasaluhang karanasan upang maitampok ang “kabuuan.” Mala-ilog ang dinadalumat na “kabuuan”—sumasanga man sa iba’t ibang lagusan subalit may iisa pa ring matang tubig o bukal na pinagmumulan—ang kani-kanilang lugar na pinag-ugatan,  at may iisa ring pinatutunguhan—ang Kapilipinuhan.  

F1.1

Seryeng “Timanan”: Mga Hangganan at Tagpuan ng “Dunong Katutubo” at “Dunong Bayan” (Pangkalahatang Pagpapakilala at Perspektiba)

Mary Jane B. Rodriguez-Tatel

University of the Philippines Diliman and Aliguyon–University of the Philippines Folklorists, Inc.

Sa kasagsagan ng pandemya na naglimita sa ating mga kilos at galaw, ipinasya ng pamunuan ng Aliguyon-University of the Philippines Folklorists, Inc. (A-UPFI mula ngayon), na “ilabas” ang samahan—ibig sabihin, buksan ang sirkulo ng mga akademiko upang “kapanayamin” ang mga katutubong pamayanan. At inilunsad ang “Timanan: Serye ng Talastasang Onlayn sa Kaalamang Bayan.”  Mula sa wika ng mga Teduray-Lambangian ng probinsiya ng Maguindanao, nangangahulugan ang salitang ugat na “timan” na “magsama-sama” o “magtagpo-tagpo.”

Sa diwa ng pagtatagpo, pagsasama-sama, at pagbabahaginan, inilalapat ng A-UPFI ang “timanan” bilang konseptong bumabalangkas sa mga nasabing talakayang nilalahukan ng akademya, mga etnikong komunidad, at iba pang institusyon sa lipunan. Layon nitong mapalawig, mapalawak, at mapalalim ang ating pagkaunawa sa kaalamang bayan sa  lebel na pambansa sa pamamagitan ng sumusunod na punyagi: (1) pagsasagawa ng komparatibong tanaw at suri sa kaalamang bayan ng iba’t ibang grupong etniko sa kapuluan; (2) pagtukoy sa mga batayan ng komonalidad  ng mga ito habang sinisipat din ang pagkakaiba-iba — tanda ng yaman at masiglang palitan ng iba’t ibang bahagi o kasapi ng Kapilipinuhan; at (3) paglinang ng mga katutubong konseptong nag-uugat sa kaalaman at kalinangan ng bayan upang makaambag sa pagdadalumat (theorizing) sa wikang Filipino.  

Sa  presentasyong ito, ihuhugpong ang mga nasabing punyagi sa simulain ng mga ninunong folkorista sa Pilipinas. Ipaliliwanag din ang mga dalumat ng  “katutubo” at “bayan” bilang mga kultural at historikal na konstrak na pinagbatatayan ng mga katawagan.   Gamit ang  10 seryeng idinaos mula 2021-2023, ibubuod at ipakikita kung paano nabibigyang-daan ang isang makabuluhang “dayalogo” sa pagitan ng “Dunong Katutubo” [ng mga katutubong pamayanan (IPs)] at  “Dunong Bayan” [ng mga “non-IPs”]. Lahat ng ito ay tumatayong mayamang impukan/imbakan ng hinahabi nating salaysay ng “pambansang diskursong pangkabihasnan.”

F1.2

Dinhay: Animating Life in Panay Mythology

Liby Norman B. Limoso

Aliguyon–University of the Philippines Folklorists, Inc.

In Panay Bukidnon Indigenous Knowledge Systems and Practices (IKSP), the concept of Ginhawa or Dinhay is significant to the epic narratives of Hinilawod and Sugidanun. Ginhawa / Dinhay, or vital essence, is vital for sustaining and balancing life and is closely linked with smooth breathing, or Katiwasayan, symbolizing a calm and unhurried existence. In these myths, Ginhawa is contained within sacred objects like shells and is safeguarded in the heart of a golden lion or a golden boar, emphasizing its divine significance. The narratives depict the eagle, or Banog, as a crucial figure in the process of revival, fetching water to bestow breath or Dinhay upon bodies in need of new life. This act symbolizes the renewal of life and the restoration of balance. The interconnectedness of life forces is also explored through significant characters like the seven-headed snake Bagsang and an underworld deity Luyung Kabig, as well as through episodes such as the cloning of Dumalapdap and the revival of Humadapnun. The depiction of Ginhawa or Dinhay, including the eagle’s role in revival, highlights its fundamental role in the cultural and spiritual heritage of the Panay Bukidnon, reflecting the dynamic interplay between life, death, and divine influence in their mythological traditions.

F1.3

Bakit Pinili ni Magayon si Panganoron? Pagtitindig ng Bikol sa Harap ng Hindi Bikol sa Alamat at Osipong Bikol

Raniela E. Barbaza

University of the Philippines Diliman and Aliguyon–University of the Philippines Folklorists, Inc.

Ang maikling papel na ito ay pagbasa ng mga osipon (salaysay) ng pag-ibig mula sa rehiyon ng Bikol. Dalawang set ng mga osipon ang babasahin. Una, ilang bersyon ng alamat ng bulkang mayon. Ikalawa, ilang salaysay na nalathala sa magasing Bikolnon noong dekada limampu ng siglo beinte. Kilala sa buong Pilipinas, marahil maging sa ibang bansa, ang itinuturing na halos perpektong hugis ng bulkang Mayon na matatagpuan sa probinsya ng Albay sa rehiyon ng Bikol. Marami rin sa mga Pilipino ang narinig na ang alamat ng Bulkang Mayon na higit na kilalang isang malungkot na salaysay ng pag-ibig sa pagitan diumano nina Daragang Magayon, na anak ni Makusog ng Rawis, at ni Ulap, ng Karilaya. Mula sa kinamatayan nina Magayon at Ulap, lumitaw ang bulkang Mayon na hinahangaan ngayon sa kaniyang kagandahan. Sa wari ay testamento ang alamat sa kadalisayan at kadakilaan ng pagmamahal sa pagitan nina Mayon at Ulap, at kung gayon, sa pagmamahal sa pangkalahatan. Mas mabuti pang mamatay na nanatiling tapat sa pag-ibig kaysa piliin ang iba. 

Magmumungkahi ang maikling papel na ito ng ibang pagbasa ng alamat ni Mayon na nakatuon sa alalahanin ng pagkakaiba at pagkakatulad ng iba’t ibang pangkat etnolinggwistiko ng bansa, sa madaling salita ay pagtitindig ng sarili sa harap ng hamon ng hindi-sarili. Babasahin ang ilang bersyon na tungkol sa Bulkang Mayon na nakalap at nalathala sa libro at o sa internet. Mula sa pagbasa ng ilang bersyon ng alamat ng bulkang mayon, babasahin ang ilang osipong nalathala noong dekada limampu na ang tuon pa rin ay ang alalahanin ng pagkakaiba at pagkakatulad sa pagitan ng itinuturing na “sarili” at “hindi-sarili.”  Anu-ano ang lumalabas na larawan ng Bikol at ng hindi-Bikol sa mga osipon? Sino/ano ang itinuturing na hindi-Bikol? Ano ang lumilitaw na ugnayan ng Bikol at hindi-Bikol sa mga osipon?

F1.4

“Bisak mi eshan?”: Paano Pinagtatagpo (at Pinag-iiba) ng mga Tradisyong Pasalita ang Pinagmulan ng mga I’uwak at Karao’

João Paulo D. Reginaldo

University of the Philippines Diliman

Bisak mi echan,” (“Sila [Karao] ang aming [malalayong] kamag-anak”), wika ni Rayda Joy C. Calansi, isang nakatatandang I’uwak mula sa bayan ng Kayapa. Ang kanyang pahayag ay umalingawngaw sa mga tradisyong pasalita ng mga matatandang Karao, isang pangkat sa barangay Karao sa Bokod, na malinaw na nagsalaysay sa kanilang mga salaysay at ala-ala na ang mga ninuno ng mga I’uwak ay may lahing “Karao” (hema iren i-Owak, aikaragwan ira man), sila ang gumawa ng mga hagdan-hagdang taniman sa Alang (Iyanpanad ired Alang) (Brainard 2003), at mayroon silang pagkakatulad sa wika at pulitikal na institusyon. Ang papel na ito ay sumasalamin sa aking patuloy na pag-aaral sa malalim na ugnayan ng mga I’uwak at Karao na naglalayong tuklasin ang mga historikal pangyayari na humubog sa kanilang ugnayan, partikular na sa Kayapa at Benguet, sa pamamagitan ng pagsusuri ng kanilang mga tradisyong pasalita (mga kwento, salaysay, at mga talaangkan). Ang papel na ito ay naglalatag ng argumento na ang mga tradisyong pasalita ng parehong grupo ay nagbibigay ng malakas na ebidensya ng kanilang historikal—genealohikal, kultural, at lingguwistikong—ugnayan na unti-unting nalimutan ng mga miyembro nito sa paglipas ng mahabang panahon.

F1.5

Salaysay ng Layâ, Sagana at Ginhawâ sa Tatlong Ginintuang Panahon

Melecio C. Fabros, III

Aliguyon–University of the Philippines Folklorists, Inc.

Nakatuon ang panayam na ito sa saysay ng layâ, sagana at ginhawâ na ubod ng dunong ng mga ninuno sa Kapuluan noon pa man. Gayonman, nakatutok lang ito sa napakahalagang salaysay ng tatlong ganap. Una ang Panahon ng KKK o Katipunan (itinatag nina Bonifacio) at rurok nitong Haring-Bayang Katagalugan (H-BK) ang kauna-unahang pamahalaan sa buong Asya. Pasok dito ang tatsulok-na-pananaw ng kasaysayan ni Rizal na Panahon ng Liwanag, ang buhay pre-kolonyal ng mga katutubong nagsasariling nagtatakda ng mithiin at tadhanang angkop sa pamayanan, likas na yaman, kaligiran at kalinangan na ipinagtatanggol. 

Subali’t, Panahon pa ng Dilim, ang yugtong kolonyal o pananakop ng imperyong España batay sa panlilinlang, pandarambong at brutalisasyon.  Sa Panahon ng muling Liwanag, pinanghawakan ng H-BK ang pagpapahalagang pakikibaka sa paraan ng himagsikan. Susi rito ang pag-oorganisa. Paghihimagsik lamang, anila, ang wastong daan tungo sa kalayaan, kasaganahan at kaginhawaan. Bagama’t napakaikli ng termino ng H-BK na nabalot sa trahedya, napakatindi ng datíng nitong pamahalaang nagsasariling nagtatakda ng bukas ng mga mamamayan. Nang tumiklop ang Republica Filipina, ipinagpatuloy ng Republika ng Katagalugan (itinatag nina Sakay) ang ipinaglaban na pambansang sobereniya tungo sa ginhawa sa gitna ng panlilinlang at paglipol ng bagong imperyo na Estados Unidos. Mga Gera ang namayani sa hanay ng mga imperyo hanggang sa bumungad ang kapayapaan.

Ikalawang ganap ang Golden Age of Light Industrialization, post-World War II, ni President Elpidio Quirino na ipinagpatuloy nina Presidents Ramon Magsaysay saka Carlos P. Garcia (Filipino First Policy). Dahilang panlabas diumano’y ang “pagluwag” ng impluho’t kontrol ng Estados Unidos dulot ng Korean War at panloob, ang rebelyon ng Huk/Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Tumatak ang magaan na industriyalisasyon, hibla man ang ginhawa, relatibo ang sagana saka makitid ang layâ. Ikatlo, napakabuluhang ganap ang nag-iisa, natatangi’t pasimunong plataporma ng sinomang presidential candidate sa RP, ang Nationalism and Industrialization ni Senator Claro Mayo Recto. Kung makabayan ang pamahalaan, maitatatag nito ang industriyalisasyong magaan, katamtaman at mabigat. Mamahaling linis na produkto sa halip na murang hilaw na materyales. Pambansang interes ang aasikaso sa mga manggagawa’t magsasaka. Tinandaan kayâ ni Recto ang payo ni Simoun (El Filibusterismo) na tularan ang ginawa ng mayayamang bansa?

Scroll to Top